Talunan




Hindi naman ako nananabik sa’yo.
Pero minsan, kapag binabalot ng lamig ng sinehan ang aking katawan,
Nararamdaman ang puwang sa naninigas kong mga kamay na sana’y hawak mo
nalang.

Hindi ko pinagsisisihan na ika’y tinanggihan nang ninais mo akong balikan.
Pero minsan, nasisilayan ko ang inyong mga larawan.
May kaunting impit na nararamdaman. May hirap sa paglunok ang lalamunan.

Hindi na kita nakikita sa aking kinabukasan.
Pero minsan, naaalala rin ang pakiramdam noong mayroon pang permanenteng
kakwentuhan.
Marami-rami na ring mga bagay na naglalaho nalang sa hangin dahil wala nang
mapagsabihan.

Hindi na ako nasasaktan kapag sumasagi ka sa ‘king isipan.
Pero minsan, may kaunti ring panghihinayang.
Mga tanong na di na siguro makukuha ang kasagutan.
Bakit hindi mo nalang ako hinayaan?
Kung hindi mo naman sinubukan, paano mo nalamang hanggang diyan ka nalang?

Hindi na kita mahal, sigurado naman ako riyan.
Pero minsan, hindi pa rin mapigilan.
Ibinabalasa ng malikot na isipan ang mga posibilidad,
isa isang binabalikan ang mga nagdaan—
Lahat ng kaligayahan, kalungkutan, kabaliwan na sa ating dalawa lamang.
At magtatapos ang kwento na ako’y isang talunan.
Dahil kahit pa ikutin ang buong mundo katatakbo palayo sa’yo
Hindi pa rin matakasan ang katotohanang ikaw ang simula, gitna at dulo.








About the Author

Keavy
Keavy

I hate small talk.
TwitterTumblr

No comments:

Post a Comment