Halos magbubukang liwayway na. Sa isang maluwag na garahe. May naka-set-up na maliit na table at mga upuan. May ilang bote ng alak sa paligid, pero nagkakape na ang magkausap.
Sab: Ang gulo-gulo kasi nila pareho. Minsan, naiisip ko nalang silang pag-umpugin.
Kaye: Ikaw na pinag-aagawan.
Sab: Sira.
Kaye: Sino bang mas gusto mo?
Sab: Yung totoo?
Kaye: Yung totoo.
Sab: Wala.
Kaye: Wala naman pala eh. Edi sabihin mong wala.
Sab: Hindi naman sila nagtatanong.
Kaye: (mapapangiti) Good point.
Sab: At tsaka parang madami na kaming lahat na-invest na oras, panahon at pera. Baka unconsciously, naiisip ko ding sayang naman kung magbago yung isip ko. Baka isa sa kanila. So on-hold nalang muna desisyon ko.
Kaye: Sayang sa oras yan lalo.
Sab: Ang alin?
Kaye: Yang mediocre-type na pamumuhay mo.
Sab: Sorry ah.
Kaye: Nabasa mo na yung “The Invitation” ni Oriah Mountain Dreamer? Wala lang. Sobrang na-inspire ako nung nabasa ko yun. Naisip ko na yun na yung huling araw na magiging okay lang sakin ang “okay lang.” Pagkatapos nun, e-extreme na ko.
Nakatitig lang si Sab sa mukha ni Kaye habang nagsasalita ito. Parang mas naka-focus siya sa mukha nito kesa sa sinasabi.
Sab: Sorry, CR lang ako.
Kaye: Go ahead.
Aalis panandalian si Sab. Bubuklatin ni Kaye ang isang libro sandali.
Matapos ang ilang sandali, babalik na si Sab.
Sab: Eh ano bang ibig sabihin ng pag-extreme?
Kaye: Bawal ang pwede na. Parang kunyari, kung boboyfriend o gigirlfriend ako, kung hindi lang din ako patay na patay sa kanya, o magpapakamatay para sa kanya, wag nalang. Kung tuwing kasama ko siya, ang naiisip ko lang lahat ng na-invest naming oras, panahon, at pera, wag nalang.
Sab: Ang sama mo.
Kaye: Sinasabi ko lang. Kung hindi isa sa kanila, hindi. Kahit na hintayin mo pang maging isa sa kanila. Madami ka lang masasayang na panahon.
Sab: So sinasabi mo sakin, na ikaw, wala ka nang nasasayang na panahon ngayon.
Kaye: Wala.
Sab: Weh.
Kaye: Ginagawa ko yung mga bagay na gusto ko. Mga bagay na kahit araw-araw ko gawin, hinding-hindi ako mapapagod o magsasawa. Nagbabasa ako ng magagandang libro, nanonood ng magagandang films, nangche-check out ng magagandang babae at lalaki. Sabihin mo sakin ngayon, may nasasayang ba kong oras?
Sab: (mapapangiti) Ang sarap mong kausap.
Mapapangiti si Kaye.
Sab: Nakakatuwa ka lang pakinggan.
Kaye: Ginigising lang kita sa katotohanan.
Sab: Na dispatsahin ko na yung boys ko?
Kaye: Na baka kaka-petiks mo, malampasan mo yung para sayo.
Magkakatitigan ang dalawa. Katahimikan.
Sab: CR lang ako.
Kaye: Go ahead.
Aalis ulit si Sab. Bubuklatin na naman ni Kaye ang libro niya.
May mahuhulog na note. Babasahin niya ito at mapapangiti.
Dadating na ulit si Sab. Mukha siyang bothered.
Sab: May sasabihin ako.
Kaye: Hmm?
Sab: Alam ko na kung bakit ako hindi ume-extreme.
Kaye: Bakit?
Sab: Dahil naniniwala ako sa konsepto ng huli, ng dulo.
Malilito si Kaye.
Sab: Alam ko na gagawa ako ng maraming maling desisyon, magtitiwala sa maraming maling tao, pipili ng maraming maling daan. Pero naniniwala ako na sa dulo, kahit gaano kalala yung struggles na pagdaanan ko para dumating dun, kahit madami na kong sugat o pasa, kahit hindi na katanggap-tanggap yung itsura ko, nandun siya. Sigurado akong may naghihintay sakin.
Mapapatitig lang si Kaye.
Sab: Sabi mo, sa huli, kahit gaano pa kadaming magagandang babae at lalaki ang landiin mo, tayo din ang magkakatuluyan. Dun papunta ‘tong conversation na ‘to diba? Masyado bang “extreme” ‘tong sinasabi ko? Para kang ina-atake sa puso diyan. Hindi kita ino-obliga, pero hindi ko din kinakalimutan.
Kaye: Sab…
Sab: O?
Kaye: CR lang ako.
Ngingiti si Sab.
Telon.
About the Author
![]() | Keavy I hate small talk. Twitter | Tumblr |


No comments:
Post a Comment