I.
Hindi ko gustong sapilitan mong buksan ang mga pinto ng puso mo sa mga bagay na mas pipiliin mo nalang itago, o ibaon, o kalimutan..
Hindi ko gustong hawakan mo ang kamay ko at nanghihinang ilakad ako sa bawat sulok ng isipan mo.
Hindi ko gustong hayaan kang nagmamadaling lumundag sa hagdan na may nilalampasan namang mga baitang.
Ang gusto ko lang ay panoorin ka.
Pagmasdan kang damhin ang sakit.
Hayaan kang sumubok ng paulit-ulit.
Kabisaduhin ang hugis at posisyon ng bawat parte mo habang ika'y naghihilom.
Pakinggan ang paglundag ng puso mo sa panahon (kung darating man ito) na ika'y malaya na.
II.
Hindi ako mangmang.
Alam kong pinapakinabangan mo lang ang pagkahumaling ko sa iyo.
Pero mayroon akong sasabihing sikreto...
Pareho lang tayong nakikinabang sa relasyong ito.
Ikaw--sa paggamit sa mga bagay na ibinibigay ko.
Ako--sa atensyong nakukuha ko mula sa iyo.
Kung magkakaroon tayo ng pelikula, tatawagin itong GAMITAN.
III.
Hindi na ko ulit magtatangkang magbasa ng mga sinulat mo, o manood ng pelikula/dokumentaryong gawa mo, o mga larawang kinunan mo.
Hindi ko pwedeng makilala ka sa likod ng pinapakita mo.
Paano kung maintindihan kita?
Paano kung ipagtanggol kita sa sarili kong paghuhusga?
Pareho tayong malilintikan.
End Note
Lahat ng bagay may quota.
Tama na ang tatlong taon.
Okay na ko. Sigurado na.
About the Author
![]() | Keavy I hate small talk. Twitter | Tumblr |


No comments:
Post a Comment