Napapadalas na ang pag-alala ko sayo.
Matagal-tagal ko ding iniwasan ito.
Pero medyo agresibo ka nitong mga nakaraang araw.
Binibisita mo ko sa pamamagitan ng mga kanta (When I Look to the Sky ng Train), lagi akong napapatingin sa lumang kamera na naiwan mo, at alam mo, napapadalas ang biglang pag-ulan sa gitna ng kataasan ng araw. Kaya napapadalas din ang mga biglang pagbagsak ng puso ko mula sa sobrang kaligayahan papuntang sobrang pagkalugmok.
Litong-lito na naman ako ngayon. Para na naman akong walang direksyon. Hindi ko alam kung masaya pa ba ako sa trabaho ko. Aalis pa ba ako sa bansa o hindi. Gagawin ko na ba yung mga bagay na gusto ko o dito nalang muna ako sa komportable? Palagi kong iniisip kung ikaw, ano kayang sasabihin mo sakin? Maraming nagsasabing parehong-pareho tayo eh. Kung meron daw hinahangaan sayo ang mga tao, yun ay iyong pagsunod mo sa puso mo sa lahat ng bagay. At sinasabi nila na ang ganda ganda daw ng puso mo. Sayang, hindi ko manlang nasilayan kahit papaano.
Takot akong naaalala ka kasi walang kasiguraduhan palagi sa emosyon na dala ng pag-alala ko sayo. Katulad ngayon, lungkot siguro ‘to. Lungkot na hindi masyadong pamilyar. Sa totoo lang, wala naman akong baon na alaala. Kapag naiisip kita, mga posibilidad at sana lang naman ang naiisip ko. At ang itsura mo sa 2x2 ID picture na nanakaw kasama ng pitaka ko.
Totoo kaya na kapag ang tao umakyat na sa langit, nakakalimutan na niya lahat ng ginawa niya dito sa mundo? Kasi nga daw paraiso na doon. Wala nang sakit at hirap.
Pero paano yung magaganda ay masasayang alalaa? Nakakalimutan din ba? Kasama ba kami sa mga nakalimutan mo?
Kapag nagkasalubong tayo sa kung saan man, maaalala mo pa ba ako?
Hindi ko kayang isipin na hindi. Kasi ikaw, habang buhay kong ipapanalangin na hindi ko makalimutan.
About the Author
![]() | Keavy I hate small talk. Twitter | Tumblr |


No comments:
Post a Comment